TUNGO SA PINTO NG LIWANAG
Si Jacob ay labing-pitong taong gulang. Siya ay may taas na 5’5”, at medyo payat na pangangatawan. Maitim ang kanyang buhok at singkit ang kanyang mga mata. Maputi ang kanyang kumpleksyon. Ang kanyang mahinahon na aura ang siyang lalong nagpapatingkad ng kanyang hitsura.
Sa likod ng kanyang maaliwalas na mukha ay may nakatagong karamdaman. Karamdamang nagpapahina ng kanyang buong katawan, na ‘di naman niya iniinda. Lingid sa kaalaman ng iba, siya ay may sakit sa puso dala ng madalas na kalungkutan na dulot ng mapait na nakaraan.
Sa kabila ng kanyang lumulubhang karamdaman ay ‘di niya itinigil ang kanyang pag-aaral. Si Jacob ay kasalukuyang nag-aaral sa unibersidad ng lugar ng San Roque kung saan siya lumaki. Bilang mag-aaral, siya ang tipong gusto halos lahat ng oras na mapag-isa. Wala naman siyang nakakahawang sakit, hindi naman siya mabaho, at lalong hindi sira ang kanyang pag-iisip. Katunayan ay isa siya sa mga estudyante ng kanilang paaralan na nangunguna sa talino’t karunungan. Bagama’t gusto niyang makisalamuha sa iba ay mas nais niyang mapag-isa sapagkat dulot nito ay wagas na katahimikan, at mas mabuti’t malinaw na kaisipan na siguradong makakamtan kung wala masyadong distraksyon. Oo, para kay Jacob, ang pakikihalubilo sa iba ay pawang distraksyon lamang sa malinaw na pag-iisip, lalo na pag ‘di matino ang pag-uusapan.
Anupanga’t dahil dito ay siya ang madalas na laman ng usapan at katuwaan ng ibang estudyante. Binu-bully siya ng mga ito, ika nga. Kung minsan, pag siya’y naglalakad sa pasilyo pagkalabas ng klasrum ay may bumabato sa kanya ng babol gam. Malagkit ito. Wala siyang planong nguyain ito ulit, obvious na fresh pa iyon galing sa bunganga ng iba. Dumikit iyon sa kanyang buhok, at siya’y pinagtawanan ng mga nakakita. ‘Di na man niya ito pinansin. Inisip na lang niya na kung mag-rereact siya na naaapektuhan siya ay mas lalo siyang ibu-bully. Nung isang araw din ay hayagan siyang sinuntok sa mukha ng isang babae. “Huwag mo na akong i-tekst bastos ka! Manyak!”, sigaw na sabi ng dalaga na nanggagalaiti sa galit. Hindi siya kilala ni Jacob, at mas lalong hindi niya hilig ang makipag-tekst meyt. ‘Di kalayuan ay makikita ang isang grupo ng kalalakihan, kasing-edad ni Jacob, na nag-uusap sabay ng mangiyak-ngiyak na tawanan. Anupa’t siya ay napahiya na naman sa harap ng ibang tao na nakakita sa pangyayari. Ang mga ito’y nagbubulungan. Ang iba’y pasimpleng nagtatawanan. Ang iba’y nakaramdam ng awa.
Dumaan ang ilan pang mga segundo at huwaring “nag-slow mo” ang kanyang mundo. Nang dahil sa hiya, nanlabo ang kanyang paningin. Nanlamig ang kanyang dating mainit na mukha na para bang aktwal na binuhusan ng napakalamig na tubig. Pilit niya itong nilabanan, at palayong tumakbo ng mabilis. Singbilis ng isang usa na nais makatakas mula sa mabangis na tigreng handang magpira-piraso sa kanya ng buhay. Wala siyang magawa kundi ang umiyak. Humagulgol. Gusto niyang pigilan ngunit ito’y bumaha na lang basta sa kanyang pisngi. Sa puntong iyon ay gusto niya naman na mapag-isa. Walang tigil ang kanyang paghakbang.
Sa labas ng paaralan ay napatingin siya sa isang karatula, “Naniniwala ka ba sa Diyos?”, ang mga salitang nakasulat dito. At biglang napatigil ang pagtulo ng kanyang luha. Siya’y nakaramdam ng sakit at matinding kalungkutan. Ito’y para bang dumaloy na lang basta sa kanyang buong katawan. Gusto niyang matigil na ang lahat ng sakit ngunit huwaring may tumutusok na alaala sa kanyang puso. Magkahalong mapait at matamis na alaala na sabay tumitibok ng kanyang puso’t pilit na nagbibigay ng kanyang nakaraan sa kanyang isipan. Naaalala niya ang kanyang buong pamilya nung siya ay labing-limang taong gulang pa.
Noon ay masaya silang nagkukwentuhan. Ang kanyang mga kapatid na babae, ang isa ay labing-walong taong gulang, at ang isa’y limang taong gulang, ay masayang naglalampungan. Ang kanyang ama’t ina ay abot tenga ang mga ngiti habang pinagmamasdan ang kanilang mga anak na ika nila’y mga biyaya ng langit. Si Jacob ay walang dudang masaya rin. Kasiyahan na ‘di mapapantayan ng kahit na anong materyal na bagay sa buong sanlibutan.
Sa araw din iyon ay nagplano ang buong pamilya na magbakasyon sa bahay na kinalakihan ng kanilang ama (Sapagkat sa panahong iyon ay walang pasok—Christmas break). Plano nilang doon manatili ang buong pamilya ng dalawang linggo.
Sa kasunod na mga araw, bago ang bakasyon, ay nagkaroon ng handaan sa kanilang bahay. Kaarawan iyon ni Jacob, Disyembre 23 sa taong 2022. Bising-bisi ang pamilya na magsilbi’t makisalamuha sa kanilang mga bisita. Para kay Jacob, punong-puno ang araw na iyon ng panghabang-buhay na galak sapagkat sa araw din iyon ay nalaman niya na si Hesus, ang Mesiyas at bugtong Anak ng buhay na Maykapal, ay maaari niyang tanggapin na kanyang personal na Diyos at Tagapagligtas. Noon ay ibang klaseng saya ang kanyang naramdaman. Kasiyahang ‘di pa niya nararanasan sa tanang buhay niya. Alam niya na magiging ganap ang kanyang pagkatao kung may Hesu Kristong maninirahan sa kanyang kaloob-looban— sa kanyang puso.
Matapos ang ‘di malilimutang kaarawan ay dumating na rin ang araw ng kanilang biyahe. Nang dahil na rin sa nakaraang selebrasyon ay nakaligtaang maghanda ng maaga ng pamilya para sa lugar na pupuntahan. “Bilis, dapat na nating isaayos ang lahat ng kailangang dalhin”, masiglang wika ng nakatatandang kapatid ni Jacob. “Pagkarating agad dun ay maghahanda tayo ng maraming-maraming pagkain para sa Noche Buena!”, patuloy na sabi niya. “Opo ate. Maghahanda na po (sabay hikab)”, antok naman na tugon ni Jacob. Excited din siya pero medyo matamlay nga lang dahil ‘di siya nakatulog ng maaga dulot ng napakagandang handaan sa kanyang kaarawan.
Ang buong pamilya ay mabilisang naghanda para sa inaasam na biyahe. Si Jacob ay naghanda rin ng kanyang dadalhin. Ipinasok niya ang kanyang kamera sa kanyang bagahe. Mahilig manguha ng litrato si Jacob. Ito’y para bang talentong dumadaloy ng parang dugong nagbibigay buhay sa kanyang medyo payat na pangangatawan. “Kung wala ito ay mawawalan ako ng sigla. Iiyak ang araw noh pag ‘di ako nakakakuha ng litrato”, malambing na bigkas ni Jacob sa kanyang mga maalalahaning magulang.
Libangan din ni Jacob ang pagpipinta ng mga scenic na kapaligiran. Plano niyang gumuhit ng magandang imahe ng lumulubog na kulay dugo’t dilaw na araw na nagbibigay kinang sa malaking lawa na nakaupo malapit sa bahay-bakasyunan na kanilang titirhan.
Hindi nagtagal ay natapos din ang kanilang paghahanda.
Hindi maitago ng buong pamilya ang excitement at saya habang sakay ng kanilang dyip na gamit nila sa biyahe. Nakataas ang dalawang kamay ni Jacob at ng kanyang mga kapatid sabay sigaw ng “wuhhhooo!!!” sa umiihip na malakas na hangin. Ang kanilang mga magulang ay sadyang masaya at natutuwa sa mga ito. Mabilis ang takbo ng kanilang sasakyan, at naging mabilis din ang mga sumunod na pangyayari.
Sa isang saglit ay ‘di na maramdaman ng kanilang ama ang preno ng kanilang sasakyan. Pilit niyang tinitigil ang mabilis na pag-usad ng rumaragasang dyip, ngunit 'di niya ito magawa. Hanggang sa bumangga na lang ang sasakyan sa metal na hadlang sa gilid ng matarik na daan na kanilang tinahak. Nahulog ang kanilang sasakyan. Kasama nito ang kanilang buong pamilya.
Sa ibaba ng pinangyarihan, makikita ang mga nakakaawang sitwasyon ng pamilya. Nalupasay silang lahat, huwaring wala nang buhay. Sa loob ng tumirik na dyip ay makikitang naipit ang paa ng kanyang ina at ang leeg nito sa ilalim ng upuan ng sasakyan. Ang ama’y natapon sa labas ng dyip, maging si Jacob at ang kanyang mga kapatid. Ang lahat ay duguan sa ulo at ibang parte ng katawan.
Ang lahat ng pamilya, maliban kay Jacob, ay nagsimulang magkamalay. “Saklolo! Tulungan nyo po kami!!” agad na pilit isinigaw ng sugatang si Jacob. “Parang awa nyo na po. Tulungan nyo po kami!”, patuloy na daing ng umiiyak na binata.
Ilang minuto pa’t may dumaan na kotse. Nagkataong napatigil ito nang dahil sa nakitang mga bagay na natapon sa daan. Nakita rin ng estrangherong drayber na nasira ang isang parte ng metal na hadlang sa tabing daan kung kaya’t tumigil ito at nagmasid. Sa ibaba ay nakita niya ang nahulog na sasakyan, at ang mga naaksidente. Umalingawngaw ang nakakaawang sigaw ni Jacob kung kaya’t madali niya itong nakita. Duguan sa ulo’t bali ang kaliwang braso ng nalupasay na binata. Agad kinuha ng butihing estranghero si Jacob at ang kanyang maliit na kapatid na nakadapa malapit sa kanya. Ilang hakbang pa sa lugar ng aksidente ay napatapon silang ulit. Hindi inaasahang sumabog ang sasakyang dyip na lulan ng kanilang pamilya. Hindi maipinta ang reaksyon ni Jacob. Hindi niya matanto ang mga pangyayari. Hindi siya makapaniwala. Isip niya’y tila panaginip lang ang lahat. Napakasamang panaginip— bangungot! Gusto niyang magising.
Humagulgol na lumayo si Jacob sa lugar na iyon. Dinala ng estranghero sa ospital sina Jacob at ang kaniyang maliit na kapatid; ang kanyang maliit na kapatid na nung araw din iyon ay pumanaw bago pa man makarating sa lugar-pagamutan. Sadyang napakalupit ng tadhana kay Jacob. Noong una ay ‘di niya lubos maisip ang buhay na wala ang kanyang buong pamilya. Ngayon ay hampas mukhang nilalasap niya ang sakit nang pagkawala nilang lahat. Sa isang iglap ay nawala ang kanyang mga minamahal higit pa sa kanyang sariling buhay.
“Naniniwala ka ba sa Diyos?”, ang babasahing kanyang nakita pagkalabas ng paaralan. Ang kanyang sagot? Oo. Naniniwala si Jacob na may Diyos. Diyos na buhay na nagmamahal sa kanya ng lubos. Sa kabila ng mga nangyari sa kanya ay hindi siya nawalan ng pag-asa. SIYA, ang nagsilbing lakas niya na lumaban pa sa buhay.
Sa ‘di inaasahang pagkakataon ay namasdan ni Jacob muli ang kanyang buong pamilya. Hindi siya makapaniwala. Kinurot niya ang kanyang pisngi upang malaman kung iyon nga ba’y isang panaginip lamang o hindi. Pilit niyang nililinis ang kanyang mga mata ngunit ganun pa rin. Totoo. Totoo ang lahat!
Nung una akala niya’y pinaglalaruan lamang siya ng kanyang mga pandama (senses), ngunit ‘di pala. Napaiyak si Jacob na napayakap sa kanyang buong pamilya. Ang kanyang ama, ina at mga nagagandahang kapatid, ay ‘di mandin mailarawan ang saya na makita siya. At sila ay nagkuwentuhan, gaya ng dati. May ngiti ang kanilang mga labi, gayundin ang kanilang mga mata. At mula sa lugar na kanilang kinatatayuan ay sabay nilang tinahak ang daan tungo sa malaking pinto ng liwanag. Tungo sa lugar na napakalayo, lugar na napakasaya. Lugar na wala anumang sakit na madarama. Lugar, na ang tawag ay Langit.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento